Idinaan ng National Police Commission (NAPOLCOM) sa tagisan ng galing sa larangan ng sports o palakasan ang pagdiriwang ng International Women’s Day.
Ito’y makaraang ilunsad ng NAPOLCOM ang kanilang Unity Games na naka-angkla naman sa layunin ng Administrasyong Marcos Jr. na magkaisa ang bawat ahensya ng pamahalaan sa pagtataguyod ng mga adhikain sa ilalim ng Bagong Pilipinas.
Isinagawa ang opening ceremony sa transformation oval ng Philippine National Police (PNP) sa Kampo Crame na dinaluhan ng mga koponan mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG), NAPOLCOM, Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at Bureau of Fire Protection (BFP).
Lumahok din ang mga koponan mula sa National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Customs (BOC).
Panauhing pandangal sa nasabing okasyon si Patrol Partylist Representative Jorge Bustos kung saan, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng pagkakaisa ng iba’t ibang law enforcement agencies sa pagganap sa kanilang tungkulin.
Dito, sabay-sabay ding nanumpa ang mga kalahok na koponan na kanilang itataguyod at ipagtatanggol ang karapatan gayundin ang kapakanan ng mga babae. | ulat ni Jaymark Dagala