Inihayag ng Bureau of Correction (BuCor) na hindi bababa sa 275 na mga tauhan nito ang mawawalan ng trabaho dahil sa kabiguan nilang makumpleto ang kinakailangang eligibility at educational requirements.
Ito’y alinsunod sa ipinag-uutos ng Republic Act 10575 o kilala bilang “Bureau of Corrections Act of 2013 kung saan sa ilalim ng probisyon ng batas na ito ay binibigyan ang mga tauhan ng BuCor ng limang taon mula sa petsa ng bisa ng batas upang makuha ang kanilang kwalipikasyon sa edukasyon.
Gayunman, dahil sa pagkaantala sa promulgation ng Implementing Rules and Regulations ng RA 10575, ang Qualification Standards for Uniformed Personnel ng BuCor ay inaprubahan lamang ng Civil Service Commission (CSC) noong March 16, 2018.
Matatandaan noong October 2023, umapela si BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. kay Remulla sa kalagayan ng mga tauhang ito dahil nasa 275 pa ang hindi sumunod sa attrition.
Hinikayat naman ni Catapang ang mga tauhan na maaaring magrekomenda ng kanilang mga kamag-anak na mag-aplay ng trabaho sa BuCor at tiniyak nito na matatanggap ang mga ito kung sila ay kuwalipikado. | ulat ni AJ Ignacio