Coast Guard Station Surigao del Norte (CGS-SDN) nailigtas ang dalawa sa anim na mga mangingisda na nawawala noon pang March 1, at nasa ligtas nang kondisyon.
Ang mga mangingisda na sina Joseph Mapalo, 35 anyos residente ng Barangay Cagniog, at Jesmar Besing, 36 anyos ng Barangay San Juan, pawang Surigao City ay natagpuan ng FBCA Golden Top 888 fishing banca nang mapagawi ito sa parte ng Bohol Sea at Siquijor province.
Ipinagbigay alam agad ito sa PCG na agad namang narespondihan ng PCG SAR Team kasama ang Coast Guard Station Surigao del Norte, Coast Guard Mobile Team Surigao City, Coast Guard Special Operations Group – Northeastern Mindanao, Coast Guard Baywatch Patrol Unit – Northeastern CGS-SDN na nagsasagawa ng search and rescue operation kasama ang nga tauhan ng CDRRMO, Surigao City.
Naiulat na ang anim na mangingisda ay pumalaot mula sa Barangay Canlanipa, Surigao City pasado alas 5:00 ng hapon noong Feb. 28 patungong Limasawa Island.
Halos mag aala sais na ng hapon sa Feb 29 na habang nasa karagatan ng San Ricardo, Southern Leyte, ay nagkaroon ng malalaking alon kaya’t nasira ang sinasakyan nitong bangka at nalunod.
Pero bago tuluyang inabandona ang nalulunod na bangka, nakapagbigay impormasyon pa ang mga ito sa kanilang pamilya gamit ang dala nilang cellphone.
Ayun kay CGS-SDN station commander Jerick Maglangit, magpapatuloy ang paghahanap sa apat pang mga mangingisda na napahiwalay dala ng malakas na alon ng dagat.
Kinilala ang apat na sina Timothy Codillo, Julieben Edranan, Alan Solitario at Marcelo Doblas Jr.
Nabigyan naman ng medikal na atensyon ang dalawang nailigtas.| ulat ni Jocelyn Morano| RP1 Butuan