Binigyan ng tulong pinansyal ng National Housing Authority (NHA) ang 380 pamilyang nasunugan sa Maynila at Mandaluyong City.
Abot sa ₱6.69 milyon ang kabuuang halaga na ipinamahagi ng NHA sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) nito.
Kabilang sa mga benepisyaryo ay mula sa Barangay 650, Port Area; Barangay 739, Zone 80, Malate; Barangay 732, Zone 80, Malate; Globo de Oro, Barangay 384, Quiapo; at Baseco Compound, na pawang nasa Maynila; at Barangay Addition Hills, sa Mandaluyong City.
Ayon sa NHA, ang bigay na tulong ay magagamit ng mga benepisyaryo sa pagpapagawa o repair ng kanilang bahay.
Nakatakda pang mamahagi ng tulong pinansyal ang ahensya sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa buong 2024.
Ang EHAP ay patuloy na ipinatutupad ng ahensya, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na tulungan ang mga pamilyang nawalan ng tahanan dulot ng mga kalamidad tulad ng sunog, lindol, bagyo, pagguho ng lupa, at baha. | ulat ni Rey Ferrer