Simula bukas, Marso 25, ipapatupad na ng National Housing Authority (NHA) ang relocation activities sa mga informal settler families na nakatira sa mga daluyan ng tubig ng Malabon City.
Ayon kay NHA General Manager Joeben Tai, may 20 pamilya na mula sa Don Basilio Bridge sa Barangay Dampalit ang ililipat sa St. Gregory Homes Housing Project sa Barangay Panghulo.
Tiniyak ni GM Tai na pabibilisin ng NHA ang paglilipat sa mga ISFs bago pa dumating ang panahon ng tag-ulan.
Nagsagawa na ng census at tagging ang NHA District Office sa Malabon, Navotas at Valenzuela para matukoy ang mga benepisyaryo na mapagkalooban ng bagong bahay at bagong komunidad.
Sa ilalim ng Resettlement Assistance Program for Local Government Units(RAP-LGU), nagbibigay ng tulong teknikal ang NHA sa mga LGU para sa pagkakaloob ng in-city o near-city resettlement.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga ISFs na naninirahan sa mga mapapanganib na lugar, sa mga estero at iba pang daluyan ng tubig, at apektado ng mga proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan.
Tinitiyak ng NHA, kasama ang mga LGU, na bukod sa dekalidad na pabahay ay nagtatayo rin ang NHA ng mga maunlad na komunidad para sa mga benepisyaryong pamilya.| ulat ni Rey Ferrer