Tiniyak ng MMDA ang full-deployment ng higit sa 2,000 personnel nito para tiyaking magiging ligtas at maayos ang pagluwas ng mga biyahero ngayong Semana Santa.
Sa isinagawang pag-iinspeksyon ng MMDA sa ilang bus terminal sa Edsa-Cubao, QC, sinabi ni MMDA Head of Traffic Enforcement Atty. Vic Nuñez na epektibo na bukas ang ‘no day off, no absent’ policy sa mga kawani nito para magbantay sa mga terminal.
Kasama sa ipapakalat ng MMDA ang mga enforcer, road emergency group, medical personnel at Metro Parkways Clearing Group (MPCG) na magbibigay assistance sa mga terminal.
Inaasahan naman ng MMDA na simula sa Miyerkules Santo na rin ang bugso ng mga pasaherong palabas ng Metro Manila.
Kasunod nito, pinaalalahanan naman ng MMDA ang mga biyaherong may kasamang mga bata, at matatanda na magsuot pa rin ng face mask sa harap na rin ng banta ng pertussis o whooping cough. | ulat ni Merry Ann Bastasa