Pinaalalahanan ng National Water Resources Board (NWRB) ang mga nakatira sa village at condominiums na makiisa rin sa pagtitipid ng tubig sa gitna ng patuloy na banta ng El Niño.
Ayon sa NWRB, hinikayat nito ang property managers ng villages at condominium buildings na magpatupad na ng water management bulletin sa kani-kanilang properties.
Nakapaloob rin ito sa NWRB Bulletin No. 003, na dapat abisuhan ng property managers ang kanilang mga residente na magtipid ng tubig at magsagawa ng regular checking sa kanilang mga metro ng tubig.
Ayon kay NWRB OIC-Executive Director Ricky A. Arzadon, makatutulong kung magse-set up ang mga ito ng mga rainwater catchment na maaaring magamit pandilig ng halaman.
Hiniling din ng ahensya sa mga ito na ipagpaliban muna ang anumang swimming pool maintenance work na mangangailangan ng pagpapalit ng tubig sa pool at hanggat maaari ay huwag gumamit ng water hose sa paglilinis ng mga sasakyan, at driveways dahil maraming tubig ang naaaksaya nito.
“As we enjoin residents and occupants to conserve water to tide us over the El Niño season, the NWRB likewise encourages them to regularly check their water meters to detect leaks,” Arzadon.
Ang mga hakbang na ito ng NWRB ay alinsunod pa rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang mitigating measures ng pamahalaan pangontra sa epekto ng El Niño. | ulat ni Merry Ann Bastasa