Binigyang diin ni OFW Party-list Representative Marissa Magsino ang kahalagahan ng agarang pagsasabatas ng Magna Carta for Filipino Seafarers.
Kasunod ito ng kumpirmasyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na may dalawang Pilipinong marino na nasawi sa Gulf of Aden, dahil sa pag-atake ng Houthi rebels.
Ani Magsino, ang ganitong mga trahedya ay nagpapakita ng panganib sa trabaho na kinakaharap ng ating mga marino.
Paalala ng mambabatas, nilalayon ng batas na ito na masiguro ang ligtas at maayos na lugar ng trabaho na sumusunod sa pamantayan ng kaligtasan.
Kasama na dito ang pananagutan ng ship owners sakaling may kapabayaan sa pagbaybay sa high-risk areas tulad ng Gulf of Aden.
Nanawagan din si Magsino sa United Nations (UN) lalo na sa Security Council, na mamagitan sa pagbibigay ng seguridad sa mga barko na naglalayag sa mga trade route.
Nagpaabot din ng pakikiramay si Magsino sa naiwang pamilya ng nasawing mga Marino.
Kasalukuyang ibinalik sa bicameral conference committee ang Magna Carta for Seafarers para ayusin ang ilan sa probisyon, kung saan madedehado ang Pilipinas lalo na pagdating sa pagresolba ng labor dispute. | ulat ni Kathleen Forbes