Naghain ng resolusyon si OFW Party-list Representative Marissa Magsino para pormal na paimbestigahan ang iba’t ibang isyu na nakaka-apekto sa NAIA terminals.
Partikular dito ang presensya ng pests at vermin, traffic congestion sa airport complex, at mahabang pila sa Immigration counters na nakaka-apekto aniya sa ginhawa at kalusugan ng mga biyahero.
Aniya, bugbog na ang imahe ng ating bansa bilang tourism destination dahil sa paulit-ulit na isyu sa NAIA na siyang main gateway ng ating turismo at migration corridors dahil sa isyu.
Ito ay kahit pa aniya may sapat namang kita ang paliparan para tugunan ang sanitation at congestion.
“We recognize that the officials of the Manila International Airport Authority (MIAA) immediately addressed the complaints on bed bugs, rats, and cockroaches in NAIA. However, given the repeated problems in NAIA and its tag as one of the world’s worst airports, we have to look into the compounded issues, more so since NAIA has revenues to address basic operational concerns such as sanitation and congestion,” sabi ni Magsino.
Batay aniya sa records, lagpas na ang 40% ng design capacity ng paliparan ang passenger volume na nauuwi sa runway congestion at delayed flights.
Hindi na rin aniya kailangan hintayin na maikasa ang pagsasapribado ng NAIA para lang ayusin ang housekeeping, sanitation at traffic routing sa airport.
“Sa Fiscal Year 2023, napabalitang umabot sa higit na ₱3-bilyong piso ang net income ng MIAA mula sa mga terminal fees, concession privileges, at aeronautical fees. Kaya’t tayo’y nagtataka kung bakit ang sanitation at traffic congestion sa palibot ng NAIA ay malaking isyu kung may pondo naman sa maayos na pagpapatakbo ng ating paliparan. Nais lamang natin malaman ang puno’t dulo nito upang magkaroon ng komprehensibong solusyon. Sa pagsalang ng hearing, mabibigyan din ng pagkakataon ang ating MIAA officials na ipaliwanag ang kanilang mga hakbang na ginagawa. In the end, we all just want to push for NAIA’s competitiveness as an international gateway and safeguard the interests of passengers, especially our OFWs,” sabi ni Magsino. | ulat ni Kathleen Jean Forbes