Umakyat ang OFW remittance ngayong January 2024 kumpara sa parehas na buwan noong 2023.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang cash remittances na ipinadala sa mga bangko ay tumaas ng 2.7 percent sa $2.84-billion noong Enero 2024 mula sa $2.76-billion noong nakalipas na taon.
Sinabi ng BSP ang paglaki ng mga cash remittances noong Enero 2024 ay bunsod ng pagtaas ng mga resibo mula sa parehong land-at sea-based na mga manggagawa.
Base sa datos ng BSP, ang bansang United States, Saudi Arabia, United Arab Emirates, at Singapore ang pangunahing nag-ambag sa pagtaas ng remittances noong Enero.
Samantala, ang mga personal na remittances, hindi kasama ang non-cash, ay tumaas din ng 2.7 percent noong Enero hanggang $3.15-billion mula sa $3.07-billion sa parehong buwan noong nakaraang taon.
Para sa taong 2023, nasa record-breaking na $37.2-billion dollars ang personal remittances sa Philippines mas mataas ng 3.0 percent mula $36.1-billion noong 2022. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes