Pinayuhan ni Ombudsman Samuel Martires si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na imbestigahan ang nagbigay ng maling listahan ng mga opisyal at empleyado ng National Food Authority (NFA) na umano’y sangkot sa katiwalian sa bentahan ng bigas.
Ayon kay Ombudsman Martires, dapat magsagawa ng imbestigasyon si Secretary Laurel upang malinawan sa sinasabi ng ilang kawani ng NFA na hindi tama ang listahan ng mga pinatawan ng preventive suspension.
Ito ay dahil ang inilabas na listahan ay may mga patay na o di kaya ay retirado na.
Sinabi pa ni Martires, na ang NFA ang nagbigay ng listahan kay Laurel bago ito naisumite sa tanggapan ng Ombudsman.
Binigyang diin ni Martires, na dapat malaman ni Laurel kung may gustong sumabotahe sa kaniya.
Naniniwala si Martires na walang alam si Laurel kung may patay o retirado na sa listahang isinumite sa tanggapan ng Ombudsman. | ulat ni Diane Lear