Siniguro ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na hindi maaapektuhan ang operasyon ng National Food Administration (NFA) ng ikinakasa ngayong imbestigasyon sa anomalya ng bentahan ng imbak na bigas.
Kasunod ito ng preventive suspension na ipinataw sa higit 100 opisyal ng ahensya kasama sina NFA Administrator Roderico Bioco, Assistant Administrator John Robert Hermano, at iba pang regional managers at warehouse supervisors.
Ayon kay Sec. Laurel, kaya ito nagdesisyon na maging OIC muna ng ahensya upang masigurong matututukan ito at hindi mabalang ang serbisyo ng NFA.
Agad na rin umano itong nakipagpulong sa mga natitirang opisyal ng NFA para magkaroon ng interim at masigurong may papalit sa mga nasuspinde.
Inatasan din ng kalihim ang mga kawani ng NFA na magpatuloy lang sa kanilang regular na mga duty.
Kaugnay nito, ipinunto ng kalihim na aktibo itong makikipagtulungan sa Office of the Ombudsman sa kanilang imbestigasyon sa iregularidar sa NFA.
Una na rin itong bumuo ng special panel of internal investigators para imbestigahan ang mga sangkot sa isyu.
“Kinokondena at hindi palalampasin ang anumang uri ng korapsyon. Kaisa ako ng Ombudsman sa layunin nitong alamin ang katotohanan at parusahan ang dapat maparushan,” ani Laurel. | ulat ni Merry Ann Bastasa
#RP1News
#BagongPilipinas