Welcome para sa mga mambabatas ng Mababang Kapulungan ang pahayag ng kilalang election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal kaugnay sa isyu ng legalidad ng pagsasabay ng plebisito para sa charter amendment sa 2025 mid-term elections.
Ani Macalintal, tama ang posisyon ni COMELEC Chair George Garcia na hindi maaaring pagsabayin ang plebesito at halalan dahil kailangan na maka-focus o makatuon ang mga botante kung papahintulutan ang amyenda o hindi.
Ayon kay Deputy Speaker Jayjay Suarez, patunay ito na tama ang posisyon ng Kamara na maagang maipasa ang panukalang amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon at hindi isabay sa eleksyon sa 2025 ang plebisito.
“Welcome the opinion of Atty. Macalintal and ako naman, ever since we’ve talked about conducting a plebiscite for amending the charter, I have been consistent with my position na hindi po talaga dapat isabay po ito sa mid-term elections natin. Ang unang dahilan, sa pananaw ko po is we cannot allow the constitution to undergo political mudslinging and be politicized by what happens during mid-term elections where politicians go back and forth,” wika ni Suarez.
Aniya, matagal naman na nilang ipinupunto na mapopolitika lamang ang plebisito kung isasabay sa halalan.
“Ngayon sa inilabas ni Atty. Macalintal na posisyon na iligal po ito, siguro ngayon mayroon na rin po tayong legal basis para ipakiusap na imbis na isabay, agahan nalang po natin yung pagko-conduct po natin ng plebisito pag dating sa amendments ng ating saligang batas,” dagdag pa ni Suarez.
Ganito rin ang punto ni Bataan Rep. Geraldine Roman sabay sabi na sapat na itong paalala para sa Senado na gawing episyente ang pagtalakay nila sa sariling bersyon ng panukalang economic charter change.
“The position of Atty. Macalintal only affirms the House’ stand that a separate plebiscite should be held and the idea of holding it together with national elections is counterproductive. It is also a reminder to our colleagues in the Senate that we would have to work with a sense of urgency. If the ultimate goal is basically to approve RBH 6, it should be approved at the time when we do not have to hold a plebiscite alongside the national elections,” sabi ni Roman.
Naniniwala naman si Zambales Rep. Jefferson Khonghun na para mas maintindihan ng mga Pilipino kung ano ang binabago sa Konstitusyon ay hindi talaga ito dapat isabay sa mid-term elections.
“Kung mas gusto natin na mas maintindihan ng ating mamamayan kung ano yung binabago sa ating konstitusyon, mas maganda na ihiwalay na lamang ito at gawing mas maagang plebesito dahil mahirap kung nadadamay sa pulitika ang ating konstitusyon,” saad ni Khonghun.| ulat ni Kathleen Forbes