Positibo ang naging bunga ng ipinatupad na ‘Oplan Mangga’ initiative ng Department of Agriculture – Agribusiness and Marketing Assistance Service (DA-AMAS) katuwang ang Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) Region III para matulungan ang Bataan Mango Growers Agriculture Cooperative (BMGAC).
Kasunod ito ng pagbebenta ng fresh carabao mangoes mula sa ani ng mga magsasaka sa Bataan sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno sa Metro Manila.
Ayon sa DA, umabot sa higit 3,000 kilograms (kg) ng mangga mula Orion, Bataan ang ibinenta sa halagang P100 kada kilo sa DA-Central Office, Sugar Regulatory Administration (SRA), National Irrigation Administration (NIA – Kadiwa Pop-Up Store), Bureau of Internal Revenue (BIR), at National Housing Authority (NHA).
Nagresulta ito sa kabuuang kita na P324,000.
Nagpasalamat naman ang Bataan Growers sa inisyatibo ng DA na nakatulong para mapalawak ang kanilang market reach.
Kasunod nito, tiniyak naman ng DA ang patuloy na market linkage sa mga magsasaka at institutional buyers at consumers. | ulat ni Merry Ann Bastasa