Inaksyunan na ng pamahalaan laban sa mga mapang abusong public transport kung saan partikular na umaaray ang mga Overseas Filipino Workers ( OFWs) na umuuwi ng bansa sa kanilang mga nasasakyang pampasaherong sasakyan na sobra-sobrang maningil na nagiging viral pa sa social media .
Bunsod nito ay inilunsad ng Overseas Workers Welfare Administration ( OWWA) sa pangunguna ni OWWA Administrator Arnel Ignacio at ka-partner ang UBE Express Inc. na pinamumunuan ni Alberto Lina ang 50% discount sa mga OFW na dumarating galing sa ibang bansa sa kanilang UBE Express buses na naka-terminal sa harap mismo ng departure area ng Ninoy Aquino International Airport ( NAIA).
Ayon kay Ignacio, ang mga OFW ay makakatipid ng pamasahe na hanggang 50% sa kanilang sasakyang UBE Express buses na mula NAIA hanggang sa mga terminal na malapit sa kanilang uuwian.
Aniya, mula P25 hanggang P150 ang matitipid ng mga OFW sa panibagong programa na ito ng OWWA sa pakikipagtulungan sa UBE Express Inc.
May tatlong paraan aniya para maka-avail ng diskwento ang OFWs sa pamamagitan ng pagbabayad ng cash basis, beep card at online payment.
Magde-deploy din ang UBE Express Inc. ng Passenger Services Agents sa mga point to point at terminals na mag-assist sa mga OFW. | ulat ni Lorenz Tanjoco
📷: OWWA