Aabot sa 20 bloke (bricks) ng pinaniniwalaang cocaine na nagkakahalaga ng ₱132.5-M ang nadiskubre ng isang mangingisda sa karagatan ng Brgy. Tangbo, bayan mg Arteche, Eastern Samar, kahapon, March 8, 2024.
Ayon sa report ng Eastern Samar Police Provincial Office (ESPPO), nakita ng mangingisda na hindi pinangalanan, ang palutang-lutang na dalawang plastic bag, na nababalot ng lambat.
Ito ay kanyang sinagip at dinala sa kanilang barangay hall at sa presensiya ni Mayor Roland Evardone, Punong Barangay Losauro at Kagawad Oros, ito ay nai-turnover sa Provincial Drugs Enforcement Unit (PDEU) ng ESPPO, na kaagad ding nakipag-ugnayan sa Forensic Unit nito para isailalim sa laboratory testing ang mga bloke.
Sa inisyal na report ng awtoridad, aabot sa 25 kilos ang hinihinalang cocaine at nagkakahalaga ng ₱132.5-M.
Sa ngayon, nagsasagawa na ng imbestigasyon ang ESPPO ukol sa posibleng pinagmulan ng hinihinalang kontrabando. | ulat ni Ma. Daisy Amor Belizar | RP1 Borongan