Nakikita ng Philippine Trade and Investment Center sa Berlin na isang tugon sa gap sa value chain ng bansa sakaling pumasok sa Pilipinas ang mga kumpaniya na involved sa pagproseso ng mineral.
Pahayag ito ni Commercial Counselor Nicanor Bautista, makaraang hikayatin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Czech companies na mamuhunan sa pagproseso ng critical minerals sa bansa.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, ipinaliwanag ng opisyal na ang nangyayari kasi sa kasalukuyan, ang mga importanteng mineral ng Pilipinas tulad ng copper at nickel ay ini-export ng bansa na halos nasa primary o orihinal na porma pa lamang.
Sa oras na mailabas na ito sa bansa, halimbawa patungong Japan o Korea saka ipo-proseso ang mga mineral na ito upang maging copper wire, bullets, at iba pang produkto.
Ang problema aniya, nabibili na ito ng Pilipinas sa mas mahal na halaga.
“So ang objective ng government for many years now, magkaroon tayo ng intermediate processing capability, o iyong downstream processing.” -Bautista
Ayon kay Bautista, maiiwasan sana ito at makakatipid ang Pilipinas kung ang bansa ay mayroong intermediate processing capability.
“So nangyayari ang export natin wire harnesses, mga electronic products, naga-absorb ng higher cost of this intermediate processed goods, something na ‘di dapat mangyari kung ‘yung intermediate processing capabilities natin nasa Pilipinas.” -Bautista | ulat ni Racquel Bayan