Pinaalala ni Sen. Sonny Angara na dapat bigyan ng 20 percent discount sa pamasahe ang mga estudyante ngayong Holy Week at sa mga iba pang mga holiday.
Ayon kay Angara, dapat itong ipatupad ng mga driver, operator o may-ari ng mga pampasaherong sasakyan at kanilang mga empleyado lalo na’t inaasahang dadagsa ang mga estudyanteng babiyahe ngayong Holy Week.
Pinunto ng senador na ito ay alinsunod na rin sa nakasaad sa Republic Act 11314 o ang Student Fare Discount Law.
Dito ay iminamandatong ituloy-tuloy ang 20 percent discount para sa mga estudyante sa buong taon kahit pa holiday at weekend basta’t naka-enroll ang estudyante.
Pinayuhan rin ni Angara ang mga estudyante na tiyaking dala nila ang kanilang mga student ID para makuha ang student discount sa pagbabayad ng ticket sa eroplano, barko, bus o tren.
Maliban sa student ID ay maaari ring ipresenta ng mga estudyante ang kanilang validated enrollment forms.
Binigyang diin ni Angara na may kaukulang parusa para sa mga transport services na hindi magbibigay ng diskwento sa mga estudyante.| ulat ni Nimfa Asuncion