Inihayag ni Presidential Peace Adviser Secretary Carlito Galvez Jr. na ang pagbisita ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Basilan ay testamento ng kanyang “decisive leadership” na makamit ang kapayapaan sa mga lugar na dating pininsala ng armadong pakikibaka.
Ang pahahayag ay ginawa ng kalihim makaraang personal na saksihan ng Pangulo ang pagwasak ng 550 isinukong armas sa Sumisip, Basilan, nitong Sabado.
Ang pagwasak ng mga armas upang hindi na magamit sa karahasan ay bahagi ng Small Arms and Light Weapons (SALW) Management Program ng Joint Normalization Committee (JNC), sa ilalim ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).
Sinabi ni Sec. Galvez na sa matagumpay na pagpapatupad ng programa ay nagbabago na ang imahen ng Basilan bilang dating pugad ng karahasan tungo sa pagiging “show window” ng kapayapaan at kaunlaran.
Pinasalamatan din ni Galvez ang lokal na pamahalaan ng Basilan, Armed Forces of the Philippines, at ang international community sa pagkamit ng layunin na mawala na ang lahat ng loose firearms sa lalawigan. | ulat ni Leo Sarne
#RP1News
#BagongPilipinas
📸: OPAPRU