Hinihikayat ni dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio ang gobyerno na gamitin ang mga barko ng Philippine Navy para tulungan ang Philippine Coast Guard sa pagdadala ng mga supply sa mga sundalo na nasa Ayungin Shoal.
Sa Kapihan sa Manila Hotel, sinabi ni Carpio, dapat ng gumawa ng ibang istratehiya ang Pilipinas para hindi nauuwi sa pambu-bully ng China sa mga sundalo na nagdadala ng supply.
Maaari rin daw humingi ng tulong ang Pilipinas sa Amerika para sa Joint Patrol sa tuwing maghahatid ng supply sa mga sundalo.
Ang pagpapalakas ng pakikipag-alyansa sa ibang bansa ang isa sa maaaring makatulong upang mapwersa ang China sa iligal na gawain nito sa West Philippine Sea.
Kahapon ay nakaranas ang mga barko ng Philippine Coast Guard ng mas matinding panggigipit nang banggain sila ng China Coast Guard habang papalapit sa Ayungin Shoal.
Bukod sa pagbangga, gumamit pa ng water cannon ang barko ng China para itaboy ang barko ng Pilipinas na may dalang supply. | ulat ni Michael Rogas