Bagaman kuntento sa sitwasyon ng seguridad, aminado si Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Benjamin Acorda Jr. na may pangangailangan pa para dagdagan ang kanilang K9 units.
Ito ang tinuran ng PNP Chief kasunod ng kaniyang pag-iikot sa mga pangunahing terminal sa Metro Manila gaya ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) at NAIA Terminal 3 kahapon.
Aniya, kanila namang na-maximize ang deployment para sa mga K9 unit subalit para sa kaniya ay kailangan pa itong dagdagan upang makasiguro na walang makalulusot na mga iligal na kontrabando.
Mula nang itaas ang heightened alert status sa hanay ng PNP, sinabi ni Acorda na nasa 75 porsyento na ng kanilang mga tauhan ang nakakalat sa mga matataong lugar.
Bukod kasi sa Semana Santa ay nasabay din ang panahon ng Ramadan ng mga kapatid na Muslim kaya’t mahigpit nilang tinututukan ang Peace and Order situation sa bansa.
Kasunod nito, muling tiniyak ng PNP na wala pa naman silang namo-monitor na anumang banta sa seguridad kaalinsabay ng dalawang nabanggit na okasyon. | ulat ni Jaymark Dagala