Binigyang diin sa Senate Committee on Energy technical working group (TWG) meeting na ang pagdevelop sa natural gas industry ng bansa ay mahalaga sa paghihikayat ng mga investments para sa energy sektor ng bansa.
Sa ginanap na TWG meeting ng Senate panel, ipinunto ni Atty Gareth Tungol, special legal counsel ni Senate Committee on Energy Chairman Raffy Tulfo, na ang pagpapalago ng natural gas industry ay makatutulong sa pagpapabuti ng national energy security, pagpapababa ng singil sa kuryente at makagagawa ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.
Sa ilalim ng Senate Bill 2247 ni Senate Committee on Energy Chairman Senador Raffy Tulfo, isinusulong ang pagbubuo ng isang komprehensibo at integrated legislative policy para sa pagpapaunlad ng natural gas sector ng Pilipinas.
Mahalaga aniyang maipasa na sa lalong madaling panahon ang panukalang ito lalo sa gitna ng kritikal na pangangailangang ma-extend ang buhay ng malampaya gas, na nagsusuplay ng nasa 40% ng natural energy needs ng bansa mula taong 2001.
Nagpahayag rin ng suporta ang Department of Energy (DOE) sa panukalang ito.
Kumpara rin aniya sa paggamit ng coal ay mas makabubuti para sa kalikasan ang paggamit ng natural gas.
Sa paggamit rin ng natural gas ay mas mabilis rin aniya ang pagtransition at pagtugon sakaling kulang ang kuryente sa isang lugar basta konektado lang sa grid. | ulat ni Nimfa Asuncion