Imbes na plaka sa harapan ng mga motorsiklo, isinusulong na gumamit na lang ng RFID (radio frequency identification) sticker para sa mga motorsiklo.
Kabilang ito sa Senate Bill 2555 o panukalang amyenda sa Motorcycle Crime Prevention Act o RA 11235.
Sa naging interpellation sa naturang panukala, pinaliwanag ng sponsor ng panukalang ito na si Senador Francis Tolentino na ang RFID ay maglalaman ng engine number, chassis number, at iba pang mga pagkilala ng sasakyan, na hindi magdudulot ng karagdagang gastos sa pagkuha ng mga plaka ng motorsiklo.
Kakailanganin na rin aniyang gumamit ng mga motorcycle gun scanners upang basahin ang RFID kapag mayroong mga checkpoint at legal stop-and-frisks.
Papalitan din at magiging color coded na ang mga plaka ng mga motorsiklo sa buong bansa para mas madaling matukoy ang mga riding in tandem o sinumang kriminal gamit ang motorsiklo.
Ayon kay Senador Francis Tolentino, puti ang ilalabas na plaka pero lalagyan ito ng Land Transportation Office (LTO) ng colored strips depende sa rehiyon: kulay pink para sa Cordillera Autonomous Region (CAR); green para sa Region 1; red para sa Region 2, blue para sa Region 3; violet para sa Region 4A; at iba pang kulay sa ibang rehiyon ng bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion