Pinagtibay na ng Senado ang mga resolusyon para ganap na mabigyan ng amnestiya ang ilang mga dating rebelde at dating miyembro ng insurgent groups.
Sa sesyon ngayong hapon, 19 na senador ang bumoto pabor sa pag-apruba sa House Concurrent Resolutions 19, 21 at 22 na maggagawad ng amnestiya sa mga miyembro ng Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade (RPMP-RPA-ABB), moro islamic liberation front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF).
Alinsunod ito sa Presidential Proclamation 403, 405 at 406 na pinirmahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. higit tatlong buwan na ang nakararaan.
Ang naturang amnestiya ay iginawad sa mga rebelde na nakagawa ng mga krimen sa pagsusulong ng kanilang mga paniniwalang pulitikal.
Kabilang sa mga krimen na ito ang rebelyon o insurrection, sedition, illegal assembly, direct and indirect assault, resistance and disobedience to a person in authority at illegal possesion of firearms, ammunition o explosives.
Sa bisa nito ay buburahin ang lahat ng criminal liability ng mga dating rebelde na ginawa nila nang may kaugnayan sa kanilang political beliefs at ibabalik na rin sa kanila ang kanilang civil at political rights.
Gayunpaman, hindi sakop ng amnesty ang mga nakagawa ng krimen na may kaugnayan sa paglabag sa Human Security act at anti terrorism law.
kasama sa mga krimen na hindi masasakop ng amnestiya ang kidnap for ransom, massacre, rape, terrorism, crimes against chastity, crimes committed for personal ends, paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, matinding paglabag sa Geneva Convention of 1949, genocide, crimes against humanity, war crimes, torture, enforced disappearances, at iba pang matinding paglabag sa karapatang pantao.| ulat ni Nimfa Asuncion