Binigyang diin ni Senador Raffy Tulfo na dapat ang mga indibidwal na tunay na nanalo sa lotto ang mag-claim sa mga premyo nila at hindi na ito ipadaan o ipakuha sa ibang tao.
Ang pahayag na ito ng senador ay kasunod ng napag-alaman base sa datos ng PCSO na may mga lotto winner na maraming beses nanalo.
Binigay na halimbawa ni Tulfo ang lotto winner na si alyas ‘Person A’ na sinassabing nakapag uwi ng higit P1.026 million matapos manalo ng apat na beses noong Hulyo, dalawang beses noong Agosto, dalawang beses noong Setyembre at dalawang beses noong Disyembre.
Si alyas ‘Person B’ naman ay tinatayang nanalo ng higit P8.3 million matapos manalo ng walong beses noong Hulyo, siyam na beses noong Agosto, dalawang beses noong Setyembre, apat na beses noong Oktubre, siyam na beses noong Nobyembre at apat na beses noong Disyembre.
Pinaliwanag naman ni PCSO General Manager Mel Robles na ang karamihan sa mga ‘multiple winners’ na ito ay hindi talaga ang mga aktwal na nanalo kundi mga lotto agents o mga pinakikisuyuan ng mga aktwal na nanalo na kumuha ng kanilang premyo sa PCSO branch.
Ayon kay Robles, kabilang sa mga dahilan kaya pinapakiusapan ng mga totoong lotto winner ang mga agent na kumuha ng kanilang premyo ay ang layo ng bahay ng lotto winner sa pagkukuhaan ng premyo.
Pinaliwanag naman ni Tulfo na dapat ang tunay na nananalo na lang ang kumubra ng kanilang panalo para hindi na magduda ang publiko.
Pinunto ng mambabatas na nakakabuo kasi ng duda na may mga indibidwal na maraming beses nananalo at sa iba pa pinapakuha samantalang marami rin tayong kababayan na taon nang tumataya pero hindi pa nananalo sa lotto.| ulat ni Nimfa Asuncion