Pasado na sa Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment o ang pagkakatalaga sa pwesto kay Department of Finance (DOF) Secretary Ralph Recto.
Wala pang isang oras ang itinagal ng pagdinig ng CA panel sa appointment ni Recto dahil tanging si Senadora Risa Hontiveros at Senadora Grace Poe lang ang nagtanong sa kalihim.
Una nang ipinunto ni Senador Jinggoy Estrada ang parliamentary courtesy o mabilis na CA hearing na ibinibigay sa mga appointee na dating miyembro ng Kongreso
Si Recto ay dating senador at bago naitalaga bilang kalihim ng DOF ay naging kongresista.
Sa CA hearing, isa sa mga tiniyak ni Recto ay walang isusulong na bagong buwis ang DOF hanggang sa susunod na taon.
Ayon sa kalihim, tutugunan muna ng ahensya ang malaking tax gap ng bansa sa pamamagitan ng pagsasaasyon ng tax administration sa Bureau of Customs (BOC) at sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Ipinunto rin nito ang ilan sa mga pagkakaiba nila ng pananaw ni dating Finance Secretary Benjamin Diokno.
Kabilang na ang paninindigan niyang mahalaga ang free public higher education program at sa katunayan ay dapat pa aniya itong dagdagan ng pondo. | ulat ni Nimfa Asuncion