Ipinag-utos ngayon ni Justice Secretary Jesus Remulla sa National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng pagsisiyasat ukol sa kumakalat na death certificate ni dating Bureau of Corrections (BuCor) Deputy Security Officer Ricardo Zulueta, isa sa mga akusado sa kasong Percy Lapid murder kasama si dating BuCor Director General Gerald Bantag.
Si Zulueta ay sinasabing namatay matapos isugod sa Bataan Medical Center noong nakaraang linggo dahil sa atake sa puso.
Sinabi ni Sec. Remulla, wala pang natatanggap na ulat ang DOJ mula sa NBI ukol sa pagkamatay umano ni Zulueta.
Si Zulueta ang kapwa akusado ni dating BuCor Director General Gerald Bantag sa pagpatay sa brodkaster na si Percy Lapid.
Matatandaang pinagbabaril ang beteranong brodkaster na si Lapid noong October 3, 2022, habang ito’y pauwi sa kaniyang tahanan sa Las Piñas City. | ulat ni Mike Rogas