Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) na magiging last resort nila ang pag-expropriate o pagkamkam sa mga ari-ariang maaapektuhan ng mga major railway project sa bansa gaya ng Metro Manila Subway Project, para maresolba ang right-of-way issues.
Ito ang sinabi ni DOTr Undersecretary for Rails Jeremy Regino sa isang pulong balitaan ngayong araw.
Paliwanag ni Regino, na ang pagkamkam at pagbili sa mga ari-arian ay huling option ng gobyerno kapag hindi nagkaayos sa negosasyon sa mga property owner nito.
Pinaiksi na aniya ng DOTr ang proseso sa negosasyon sa mga property owner, at kung hindi magkasundo ay maghahain ang pamahalaan ng expropriation proceedings o compulsory na pagbili sa mga apektadong ari-arian, upang magamit ito ng publiko.
Dagdag pa ni Regino na ang pagkamkam sa mga ari-arian ay hindi matatawag na forced occupation pero ito ay pagbibigay ng “just compensation.”
Patuloy aniyang ginagawa ng DOTr ang kanilang makakaya para makumbinse ang mga property owner at maikonsidera ang lahat ng kanilang mga hinanaing.
Target naman ng DOTr na makumpleto ang Metro Manila Subway Project sa 2029. | ulat ni Diane Lear