Ikinalugod ng ilang mambabatas ang anunsiyo ng Department of Budget and Management (DBM) na naglaan ng nasa P106 billion ang pamahalaan para sa pagpapatupad ng 4Ps program.
Ayon kay Zambales 1st District Representative Jefferson Khonghun, ipinapakita lamang nito na sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa itinutulak nitong Bagong Pilipinas ay walang Pilipinong maiiwan.
“Yan ang pagpapatunay na sa administrasyon ni Presidente [Ferdinand R.] Marcos [Jr.] wlang naiiwan. Sa Bagong Pilipinas, walang naiiwan. At dito rin natin ipinapakita na yung pagtutulungan ng Executive at Kongreso, talagang mga kababayan natin yung nakikinabang.” sabi ni Khonghun
Sabi naman ni La Union 1st District Rep. Paolo Ortega, na patotoo ito na inuuna ng pamahalaan ang mamamayan.
“The House has been on a firm stand na yung mga tulong po na nabibigay sa ating constituents natin. And kailangan po kasi talaga ito. Nakikita po ng ating Presidente, di lang sa pang-araw-araw na nakita nila ang need na ituloy ang mga ganitong programa sa kapalakasin.” ani Ortega
Sa panig naman ni Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman, sinabi nito na bilang mga mambabatas batid nila na stop-gap measure lamang ang 4Ps at ang nais nilang pagtuunan ay masigurong maka-angat ang 4.4 million 4Ps beneficiary household mula sa below poverty line status.
“The ultimate goal is still maka-graduate po itong 4.4 million households from below poverty levels to a better economic status. And siyempre po we look forward, mahaba na po ang kasaysayan ng 4Ps at hindi po natin mapagkakaila ang naitutulong nito sa mga pamilyang Pilipino.So we welcome that development.” sabi ni Roman
Ikinatuwa naman ni Deputy Speaker Jayjay Suarez na ‘intact’ o buo ang pondo para sa programa.
Paalala pa nito, na ang tulong na ibinibigay ng pamahalaan ay hindi dapat hinaharang o ginagawang pahirap para sa mga benepisyaryo dahil ninanakawan lamang aniya ang mga Pilipino sa pagkakataon nila na maka-ahon.
“sana hindi mabawasan tong pondong to tulad nangyari sa mga nakarang taon…So natutuwa po tayo na intact ang pondo at sigurado naman po itong pakikinabangan ng ating mga kababayang Pilipino. Huwag po nating kakalimutan na nasa panahon pa rin tayo ng pagbangon mula sa pandemya. Kaya ang mga programa tulad ng 4Ps, tulad ng mga ayuda, ay hindi dapat nilalagyan ng anumang sagabal o paghaharang o paghihirap pagdating sa benepisyo na pwede nitong maibigay sa ating mga tao dahil dinanakawan po natin sila ng pagkakataong umangat mula sa kahirapan.” giit ni Suarez | ulat ni Kathleen Forbes