Pinangunahan ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro ang paglulunsad ng 3-araw na airshow ng Philippine Air Force (PAF) at Republic of Korea Air Force (ROKAF) sa Clark Air Base, Mabalacat, Pampanga kahapon.
Bahagi ito ng pagdiriwang ng ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Korea.
Ang aktibidad ay sinimulan sa pamamagitan ng “Friendship Flight” sa pagitan ng apat na PAF FA-50PH jets, at walong T-50B aircraft ng ROK “Black Eagles” aerial acrobatic team.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Sec. Teodoro na ang aktibidad ay hindi lang patunay ng malapit na diplomatikong ugnayan ng Pilipinas at Korea, kundi ng pagturing ng dalawang bansa sa isa’t isa bilang magkapatid.
Sa panig ng ROK, nagpasalamat naman si ROKAF Commander of Air Defense and Control Command Major General Park Chang Kyu, sa Pilipinas sa pitong dekada nang tiwala at kooperasyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Kasama ni Sec. Teodoro at Maj. Gen. Park sa aktibidad sina: His Excellency Lee Sang-Hwa, Korean Ambassador to the Philippines; Lt. Gen. Arthur Cordura PAF, Acting Chief of Staff of the Armed Forces of the Philippines; Lt. Gen. Stephen Parreño, Commanding General, PAF; at Maj. Gen. Augustine Malinit, Vice Commander, PAF. | ulat ni Leo Sarne
📸: PAF