Pinamunuan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) IX ang pagpapalaya ng mga na-rehabilitate na wildlife mula sa Regional Wildlife Rescue Center (RWRC) sa bayan ng Tukuran, Zamboanga del Sur kamakailan.
Ang pagpapakawala ng mga na-rescue na hayop ay bahagi ng selebrasyon World Wildlife Day nitong taon.
Kabilang sa mga pinakawalan ang dalawang Philippine long-tailed Macaques, isang Brahminy Kite, dalawang Philippine Box Turtles, isang Reticulated Python, at isang Yellow-headed Monitor Lizard.
Sumailalim ang mga ito sa iba’t ibang rehabilitation procedures tulad ng veterinary care at health assessments na isinagawa ng Zamboanga del Sur Provincial Veterinary Office.
Nagsagawa muna ng huling physical at health check-ups ang mga beterinaryo ng nasabing tanggapan bago pinakawalan ang mga naturang hayop sa kani-kanilang natural na tahanan.
Ang World Wildlife Day 2024 na may temang “Connecting People and Planet: Exploring Digital Innovation in Wildlife Conservation” ay binibigyang diin ang kahalagahan ng digital innovation sa pagkakaisa ng mga tao sa pagprotekta ng mga wildlife.| ulat ni Justin Bulanon| RP1 Zamboanga