Inaprubahan ng Department of Justice ang rekomendasyon ni Bureau of Corrections Director General Gregorio Catapang Jr. na palayain na ang 97 Persons Deprived of Liberty na nakatapos na ng sentensya na higit sa 40 taon.
Ang 47 sa nasabing bilang ay mga nakapiit sa New Bilibid Prisons, 23 mula sa Iwahig Prison and Penal Farm, 12 sa Sablayan Prison and Penal Farm, 6 naman ang preso sa Davao Prison and Penal Farm, 5 sa San Ramon Prison and Penal Farm, at 4 ang nakadetine sa Correctional Institution for Women.
Natukoy sa records na lumagpas na sa takdang panahon ang pagkakapiit ng naturang mga bilanggo mula sa hatol na Reclusion Perpetua o Life Imprisonment at maximum sentence, batay na rin sa computed na ibinase sa lumang probisyon ng Revised Penal Code on Time Allowances.
Ito ay bilang bahagi ng decongestion program ng pamahalaan para mabawasan o kahit paano ay mapaluwag ang mga sobrang siksikan na mga bilanggo sa iba’t ibang prison facilities sa bansa. | ulat ni Michael Rogas