Ipinaabot ng pamilya ng namayapang batikang aktor na si Eddie Garcia ang pasasalamat sa Kongreso sa pagpapatibay ng panukalang batas, na layong siguruhin ang proteksyon ng movie at television workers sa bansa
Ito’y matapos i-adopt ng Kamara ang Senate Bill 2505 bilang amyenda sa House Bill 1270 o Eddie Garcia Law.
Sa statement ng partner ng aktor na si Olivia Lagman Romero, na ibinahagi ng anak nito na si 1-Pacman Party-list Rep. Mikee Romero, sinabi niya na ito na marahil ang pinakamagandang regalo at kontribusyon ni Garcia sa Philippine entertainment industry.
“The significant, tragic accident that eventually led to Eddie Garcia’s untimely demise was not sacrificed in vain. It saved a purpose and paved the way to accomplish a noble end. Naming, it the ‘Eddie Garcia Law’ is the most beautiful tribute and his most invaluable legacy.” sabi ni Lagman-Romero
Si Rep. Romero ang naghain ng panukala matapos masawi si Garcia sa kalagitnaan ng filming ng isang programa.
Nakasaad sa panukalang batas ang pagkakaroon ng kontrata sa pagitan ng employer at independent contractor na naglalaman ng oras at ang gagawing serbisyo.
Bibigyan din sila ng benepisyo gaya ng Social Security System, Pag-IBIG Fund, at Philippine Health Insurance Corp.
Kailangan ding tiyaking masusunod ang occupational safety and health standards, pangalagaan ang mental health, at pigilan ang sexual harassment sa lugar ng trabaho.
Itatatag naman ang Film, Television, and Radio Entertainment Industry Tripartite Council na siyang gagawa ng polisiya para sa industriya. | ulat ni Kathleen Forbes