Pormal nang inilipat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa National Commission of Senior Citizens (NCSC) ang implementasyon ng Assistance to Older Persons (ATOP).
Kasunod ito ng paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) nina DSWD Secretary Rex Gatchalian at NCSC Chairperson Atty. Franklin Quijano kung saan pormal na nailipat ang tungkulin at pondo ng ahensya na nakalaan para sa programa at assistance na kakailanganin ng ATOP.
“We all agreed to have this ceremony because it is the more symbolic way of doing it. We can just let it go, we can just exchange papers through but it’s a step towards the right direction. We believe that it may be a small step but it’s a giant leap towards that direction of finally empowering NCSC to fulfill the mandate prescribed by law,” ani Sec. Gatchalian.
Nakasaad sa MOA ang paglilipat ng natitirang P1.7-milyong pondo para magpatuloy ang mga programa at aktibidad na may kinalaman sa kapakanan ng mga senior citizens.
Kabilang sa mga programa sa ATOP ay ang suporta sa Senior Citizens Sectoral Council of the National Anti-Poverty Commission; pagdiriwang ng Elderly Filipino Week para sa national at regional level; suporta sa Federation of Senior Citizens Associations of the Philippines, Inc.; at Regional Coordinating and Monitoring Board and Regional Inter-Agency for Senior Citizens.
“And hopefully, inalagaan po ito nang mabuti ng mga taga-departamento, ipapasa ito sa inyo, alagaan ninyo ito nang mabuti. Naniniwala ako na mapapalaguin ninyo ito, and later on we can start talking about the bigger programs or the bigger PAPs [Programs, Activities, Projects] in the department,” sabi pa ng kalihim.
Sa kasalukuyan, mayroon pang mga programa para sa ATOP ang nasa pangangalaga pa ng ahensya subalit nakatakda na rin itong ilipat sa NCSC tulad ng Social Pension for Indigent Seniors Citizens program at implementation ng Centenarians Act of 2016. | ulat ni Merry Ann Bastasa