Pinaalalahanan ni ACT CIS party-list Rep. Erwin Tulfo ang mga ahensya ng pamahalaan sa pangako na itaas ang buwanang diskwento sa grocery ng mga senior citizen at persons with disability (PWDs).
Sa pulong ng House Ways and Means Committee, sinabi ni Tulfo na una nang nangako si Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Carolina Sanchez kay Speaker Martin Romualdez noong nakaraang linggo na target nilang maipatupad ang diskwento bago matapos ang buwan ng Marso.
Ang kasalukuyang diskwento ay ₱65 kada linggo o ₱260 kada buwan ay target itaas sa ₱125 kada linggo o ₱500 kada buwan.
Kaya nais ngayong malaman ni Tulfo kung ano na ang estado nito.
Sabi naman ni Director Marcus Valdez ng Consumer Policy and Advocacy Bureau ng DTI nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Agriculture (DA) at Department of Energy (DOE) para sa pagpapatupad ng pagtaas ng diskwento at makakatupad aniya sila sa ipinangakong timeline.
Ayon naman kay Agriculture Assistant Secretary for Consumer Affairs and concurrent for Legislative Affairs Genevieve Velicaria-Guevarra na may gagawin silang public consultation sa March 11 at 12 bago tuluyang ipatupad ang taas sa diskwento.
Sa kaparehong pagdinig ay inusisa din ni Tulfo kung ano na ang nangyari sa pangako naman ng PhilHealth na itataas ang diskwento sa mga bayarin sa ospital at professional fees ng pasyente mula sa 30% hanggang 50%.
Ani Tulfo, mahirap para sa mga miyembro ng PhilHealth, na karamihan ay mga empleyado, ang sagutin ang 70% ng gastusin, batay sa kasalukuyang subsidy rate na 30%.
Maliban pa ito sa pangako na sagutin ang gastusin sa mga pangunahing pagsusuri tulad ng ultrasound at mammogram.
Mahalaga aniya ito lalo na at ang breast cancer ay kasama sa limang nangungunang sanhi ng pagkasawi ng mga Pilipino.
“Breast cancer can be prevented by early detection through ultrasound and mammogram. We can encourage women to undergo prompt screening if these procedures are free of charge,”
Sabi ng PhilHealth, nakatakdang sumalang ang usapin sa kanilang board at execom. | ulat ni Kathleen Forbes