Kahit ibinaba na sa alert level 1 ang status ng bulkang Mayon sa Legaspi, Albay ay hindi pa rin pinapayagan ang publiko na pumasok sa 6 kilometers radius permanent danger zone.
Maging ang paglipad ng sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan ay pinagbabawal pa rin ng Phivolcs.
Ayon sa Phivolcs, nasa low-level unrest ang kondisyon ng bulkan at hindi pa rin isinasantabi ang posibilidad na magkaroon ng biglaang pagputok, ang pagdausdos ng mga bato at landslide mula sa tuktok ng bulkan, at ang pagdaloy ng lahar kapag may pag-ulan.
Batay sa ulat, limitado na lang sa apat na volcanic earthquake ang naitala sa bulkan kahapon.
May naaninag pa ring mahinang crater glow na makikita na lamang kapag ginamitan ng teleskopyo.
Nagbuga pa ito ng 648 toneladang sulfur dioxide at pagsingaw na abot sa 300 metrong taas na napadpad sa timog kanluran, timog-timog kanluran at kanluran-timog-kanluran.
Nitong nakalipas na ilang araw, ibinaba sa alert level 1 mula sa alert level 2 ang status ng bulkang Mayon matapos kakitaan na ng tuloy -tuloy na pagbaba ng kanyang aktibidad. | ulat ni Rey Ferrer