Welcome sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ipinasang resolusyon ng Senado na payagang magawaran ng amnestiya ang mga dating miyembro ng CPP-NPA at NDF.
Sa isang pahayag, sinabi ng AFP na sa pamamagitan nito ay maisusulong na ang isang payak, komprehensibo, at matagalang kapayapaan na matagal nang hinahangad ng mga Pilipino.
Itinuturing din ng AFP na isang tagumpay ito para sa mga Pilipino at makapagbibigay daan sa tuluyang pagtatapos ng armadong pakikibaka.
Ang paggaawad ng amnestiya sa mga dating rebelde ayon sa AFP ay lalong makapagpapahina sa puwersa ng mga ito lalo’t may mga nararanasan nang leadership vacuum dahil sa matagumpay na localized peace talks.
Puspusan din ang ginagawang opensiba ng militar upang puwersahin ang mga nalalabi pang rebelde na patuloy sa panghihina gayundin ang unti-unti nang pagkaubos ng kanilang pondo.
Sa pamamagitan din nito, naniniwala ang AFP na mabibigo na rin ang anumang tangkang panghihikayat ng mga rebelde dahil sa pagpapatupad ng Retooled Community Support Program upang labanan ang mga pagpapakalat ng mapanlinlang na ideolohiya. | ulat ni Jaymark Dagala