Naghain ng resolusyon si Bohol Representative Kristine Alexie Tutor para sa pagrepaso ng mga batas at alituntunin tungkol sa pangangalaga ng protected areas sa bansa at kung paano pa ito mapagbubuti.
Ang House Resolution 1658 ng mambabatas ay kasunod ng nadiskubreng resort sa gitna ng Chocolate Hills na isang protected area.
Partikular na pinakikilos ang House Committees on Ecology, Environment and Natural Resources, Local Government, Justice, at Indigenous Cultural Communities and Indigenous Peoples para siyasatin –bilang bahagi ng oversight function– ang mga butas sa mga batas ng bansa gaya National Integrated Protected Areas System Act of 1992 (RA 7586) upang mas maprotektahan ang ating mga likas na yaman.
Kasama rin sa pinapasilip ang kasalukuyang estado ng lahat ng protected areas sa buong bansa at detalyadong imbentaryo ng mga istrukturang nakatayo dito kung mayroon man. | ulat ni Kathleen Jean Forbes