Pursigido ang Department of Transportation (DOTr) na matapos sa itinakdang oras ang North-South Commuter Railway Project (NSCR).
Ito ang inihayag ni DOTr Undersecretary for Railways Jeremy Regino sa kabila na rin ng kinahaharap na hamon nito sa Right of Way gayundin ang resettlement ng mga informal settler na naninirahan sa rutang daraanan nito.
Binigyang-diin ni Regino na mahalagang matapos sa tamang oras ang proyekto na tatagal ng limang taon.
Kaya naman nagdodoble kayod ang Kagawaran upang makuha ang Right of Ways na kailangan naman ng mga kontratista upang ganap na mapabilis ang konstruksyon nito.
Nagtutulungan na rin ang iba’t ibang ahensya ng Pamahalaan upang matiyak na agad makalilipat ang mga informal settler sa mga lugar na maaari na nilang matirhan.
Nabatid na ang 147 kilometrong rail system ay babagtas mula Clark City sa Tarlac patungong Calamba sa Laguna na daraan sa Metro Manila at binubuo ng 36 na istasyon.
Ito ang dahilan kaya’t kinailangang itigil pansamantala ang operasyon ng Philippine National Railways (PNR) para bigyang-daan ang gagawing railway system.
Kasabay naman ito ng pagresolba rin sa Right of Way issues sa nagpapatuloy ding Metro Manila Subway Project na magkokonekta naman mula Valenzuela City patungong Ninoy Aquino International Airport (NAIA). | ulat ni Jaymark Dagala