Umani ng malawakang suporta ang pagkakaloob ng tax breaks sa e-motorcycles mula sa iba’t ibang stakeholders at ahensiya ng pamahalaan sa gitna ng isinasagawang pagrebisa sa executive order na nagbibigay ng tax incentives sa electric vehicles (EVs).
Pormal na sinimulan ng Tariff Commission ang public hearing upang rebyuhin ang Executive Order No. 12 series of 2023, noong Miyerkoles, March 13, mahigit isang taon makaraang unang ipatupad ang EO.
Sinuportahan ng mga ahensiya ng pamahalaan gaya ng Department of Trade and Industry’s Bureau of Investment (DTI-BOI) at Department of Energy (DoE), Autohub Group, at Electric Vehicle Association of the Philippines (EVAP) ang pagkakaloob ng tax breaks sa e-motorcycles.
Ayon kay DoE Energy Utilization Management Bureau Specialist Andre Reyes, ang pagbibigay ng tax breaks sa e-motorcycles ay makatutulong sa mas mabilis na paggamit ng EV sa bansa. .
“This proposed coverage expansion will send a clear price signal for consumers to switch to EVs, which are more efficient and cheaper to run per kilometer, and assist in energy self-sufficiency,” pahayag ni Reyes sa public hearing.
Sa ilalim ng EO12, ang iba’t ibang uri ng RVs ay pagkakalooban ng tax breaks, habang ang e-motorcycles ay nananatiling pinapatawan ng 30 percent tariff rate.
Ang exclusion ng e-motorcycles sa tax breaks ay inalmahan ng iba’t ibang stakeholders, at sinabing hindi ito makatarungan dahil hawak nito ang karamihan sa mga motorista sa bansa na may 8 million registered units, ayon sa Statista Research Department.
Samantala, nais ng EVAP na bigyan ng tax breaks ang e-motorcycles sa limitadong panahon upang makatulong sa paglikha ng isang industriya para sa kanilang manufacturing sa bansa.
.
“The granting of tariff exemption should be limited only to one year with a commitment to at least do a CKD of the same model or another model on the second year,” sabi ng EVAP sa kanilang position paper.
Inatasan ng TC ang mga stakeholder na dumalo sa public hearing na isumite ang kanilang updated position papers sa Lunes, March 18.
Inihain din ni Albay 2nd District Representative Joey Salceda ang House Bill No. 9573 para amyendahan ang EO12, kung saan sinabi ng mambabatas na 60% ng electric vehicles sa bansa ay two-wheeled kaya hindi makatarungan na hindi ito bigyan ng tax breaks.
Ang EO12 ay inisyu upang tulungan ang Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA) na lumikha ng isang industriya para sa EVs sa bansa at tumulong sa pagbabawas ng emissions, bilang pagtalima sa commitment ng Pilipinas sa Paris Agreement. Binago nito ang tariff rates para sa EVs upang isulong ang paggamit nito sa mga Pilipino.
Plano rin ng DTI na i-phase out ang internal engine combustion cars bilang bahagi ng komprehensibong plano na lumipat ang bansa sa tinatawag ng mga environmentalist na “green traffic,” o decarbonized road network. Nais ng bansa na ganap na maging electric sa 2040.Pagsasama sa e-motorcycles sa tax breaks, umani ng suporta sa pagsisimula ng talakayan sa pagrepaso sa EO12