Itinuturing ni Senate Committee on Women Chairperson Senadora Risa Hontiveros na isang napakalaking tagumpay para sa bawat babaeng inabuso umano ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy ang pagsasampa ng DOJ ng kasong qualified trafficking at child abuse laban dito.
Nagpasalamat si Hontiveros kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla para sa pag aksyon nito sa naturang usapin gayundin sa mga tumestigo at patuloy na nakikipag ugnayan sa kanyang opisina para maisiwalat ang katotohanan.
Ayon sa senadora, ito na ang unang hakbang tungo sa pagkamit ng hustisya, paghilom, at kapayapaan para sa mga victim-survivors.
Maituturing rin aniyang regalo para sa mga kababaihan ngayong Women’s Month ang development na ito.
Sa parte naman ng Senado, nangako si Hontiveros na itutuloy nila ang ginagawa nilang imbestigasyon, in aid of legislation, tungkol sa dekada na umanong pang-aabuso ni Quiboloy sa mga miyembro ng KOJC.
Titiyakin aniya nilang ang mga imbestigasyon na ito ay magreresulta sa mas pinalakas na batas para sa mga kababaihan, kabataan at sa mga maituturing na vulnerable.| ulat ni Nimfa Asuncion