Siniguro ni Deputy Majority Leader Janette Garin na malabong masingitan ng dagdag na economic provisions o political provisions ang planong amyenda sa Saligang Batas na nakapaloob sa Resolution of Both Houses No. 7
Ito ay sa gitna ng nalalapit na pagsalang ng RBH 7 sa panibagong serye ng interpelasyon at debate para sa second reading.
Ayon kay Garin, political suicide ang pagpapasok ng political provision sa panukalang amyenda sa Konstitusyon.
Aminado naman ang mambabatas, na may ilang mambabatas na nais dagdagan ang economic provision na aamyendahan pero sa pakikipag-usap niya sa mayorya ng mga kinatawan, karamihan ay desidido na ang tatlong artikulo o probisyon lang ang babaguhin.
Salig sa RBH 7 aamyendahan ang Article 11, 14 at 16 na patungkol sa foreign ownership restriction sa public utilities, edukasyon at advertising.
“The political amendments is very impossible, the economic amendments naman, we have colleagues like Rufus Rodriguez who would like to introduce amendments. But I believed, talking to most members of the House, almost all that are supportive of the bill ay limited duon sa tatlong amendments ano. Balikan lang natin yung mga haka haka o takot na pinag uusapan.” aniya
Sabi naman ni Quezon City Representative Marvin Rillo, kung mayroon mang magsingit ng dagdag na amyendang politikal sa RBH7, ay sila mismo ang tatayo para tutulan ito.
“It is a political suicide if we continue na ipaglaban iyong pulitikal na aspeto ng charter change, unang-una po yan. Pangalawa, kami po na nandito ang mag-o-oppose kung sakali may isa pang Kongresista o isang tao na magpasok ng ika nga political agenda dito sa ating Charter Change. Kami po mismo ang tatayo at tututol sa ano mang bagay na iyan.” giit ni Rillo
Dagdag pa ni Lanao Del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, na kung pagbabasehan kanilang mga naging talakayan, ni walang resource person na inimbitahan patungkol sa isyung politikal.
“isn’t it already a proof that what we have seen for several weeks since the start of the discussion of RBH 7, isn’t it enough that it is a proof that we are only limited our discussion to economic provisions? Nakita po nating iyong flow of the committee hearing of the Committee of the Whole. What we have invited are resource persons only to talk about economic provisions on certain areas, education, advertising…and public utility. There was no invitation sent to any organization or individual or maybe expert on political issues.” paliwanag ni Adiong
Inaasahan na sa susunod na linggo ay isasalang sa 2nd reading ang RBH 7.
Target naman ani Garin na mapagtibay sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang economic charter change sa linggo ng March 18 hanggang March 20. | ulat ni Kathleen Forbes