Binibigyang paalala ng Department of Tourism (DOT) ang mga biyahero o bakasyonista na laging bigyang prayoridad ang kaligtasan at kalidad ng kanilang mga experiences sa mga lugar ng pupuntahan ng mga ito ngayong panahon ng Semana Santa.
Payo ng DOT sa publiko, suportahan ang mga DOT-accredited tourism enterprises kung magbabakasyon ngayong Holy Week kabilang na dito ang accomodation, tours, transportation, at iba pang tourism-related services.
Sa pagiging DOT-accredited umano ng isang establisyimento ay makasisigurado na nakasusunod ito sa minimum standards na itinakda ng kagawaran para sa tiyak na kalidad ng operasyon ng mga tourism facilities at services.
Pinayuhan rin ng ahensya ang publiko sa pagiging updated sa mga travel-related news at safety guidelines mula sa mga credible sources, at maging maingat sa mga unsolicited messages o offers na mula sa mga hindi kilala o mga unverified social media accounts para maiwasang maloko ng mga scam na target ang mga turista tulad ng pagbebenta ng pekeng accommodation, travel tickets, vacation deals, at marami pang iba.
Para sa listahan ng mga DOT-accredited establishments, maaaring bisitahin ang website ng Department of Tourism sa https://beta.tourism.gov.ph/accreditations/#dot-accredited o tumawag sa kanilang DOT Tourist Assistance Call Center na bukas 24/7 sa pamamagitan ng hotline 151-TOUR o mobile number 0995-835-5155.
Pwede ring mag-email, mag-message sa Facebook Messenger, at web chat sa mga official channels ng DOT ang sinumang may kaugnay na katanungan o nangangailangan ng tulong.| ulat ni EJ Lazaro