Naniniwala ang National Economic and Development Authority (NEDA) na kanila pang mapag-iibayo ang pagganap sa tungkulin sa sandaling umarangkada na ang re-organization sa kanilang hanay.
Ito ang tinuran ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan kasabay ng paghimok nito sa Kongreso na ipasa ang panukalang magtatatag naman sa Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev).
Sa kauna-unahang public hearing para sa DEPDev bill, sinabi ni Balisacan na hindi na lamang mananatiling plano ang mga proyekto at programa ng Pamahalaan kundi agad itong maisasakatuparan sa ilalim ng bagong kagawaran.
Ito’y dahil madaragdagan na ng kapangyarihan ang NEDA para masigurong naka-angkla sa layuning pagpapatatag ng ekonomiya ang bawat proyekto, programa, at polisiya na nais ipatupad ng Pamahalaan.
Sa ganitong paraan ani Balisacan, magkakaroon na ng kamay ang NEDA para ganap na maisakatuparan ang hangarin nilang maging matatag, maginhawa, at panatag ang buhay ng bawat Pilipino. | ulat ni Jaymark Dagala