Welcome sa Department of Migrant Workers (DMW) ang desisyon ng International Bargaining Forum (IBF) na italagang “war-like zone” ang Southern Red Sea at Gulf of Aden para sa mga seafarer.
Sa isang pahayag, sinabi ni Migrant Workers officer-in-charge Hans Leo Cacdac na mariin nitong sinusuportahan ang desisyon ng IBF.
Ito aniya ay kritikal na desisyon na kumikilala sa mga panganib na kinakaharap ng mga seafarer na dumadaan sa nasabing high-risk lanes.
Ayon kay Cacdac, ang hakbang na ito ay magpapaigting sa proteksyon ng mga seafarer at matiyak ang kanilang kaligtasan.
Ibig sabihin ng desisyong ito, ang mga shipping agency at kanilang principal ay kinakailangang magpatupad ng mas mahigpit na seguridad gaya ng pag-divert ng kanilang ruta at iwasan ang Southern Red Sea at Gulf of Aden.
Kinikilala rin ng desisyong ito ang “right to refuse sailing” ng mga seafarer kapag nalaman na ang barko nilang sasakyan ay dadaan sa nasabing mga lugar.
Matatandaang ipinanawagan ng DMW at Maritime Industry Tripartite Council na ideklarang “war-like zone” ang Southern Red Sea at Gulf of Aden dahil sa mga insidente na kinasasangkutan ng Houthi rebels.| ulat ni Diane Lear