“Walang basehan”
Ito ang bwelta ng Pilipinas sa naging pahayag ng China na may “historic rights” sila sa West Philippine Sea.
Ayon sa pahayag ng DFA, ang Pilipinas ay may matagal nang soberanya at administrative control sa Bajo de Masinloc gayundin sa iba’t ibang isla at katubigan na nasa kanlurang bahagi ng Palawan.
Ginawang basehan ng Pilipinas sa naturang pahayag ang mapa ng bansa noong Spanish colonial period, kabilang na ang 1734 Murillo Velarde Map of the Philippines.
Isa ring ginamit na basehan ng DFA para patunayan ang punto nito ay ang 2016 Arbitral Award, kung saan sinasabi na ang “historic rights” na binabanggit ng China o anumang hurisdiksyon na labas sa limitasyong sinasabi sa UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ay hindi ligal.
Dahil dito ay nanindigan ang Pilipinas laban sa iresponsableng aksyon na lumalabag sa soberanya ng bansa, sovereign rights at hurisdiksyon nito sa sarili nitong maritime joiners.
Dagdag pa ng DFA, kahit kailan ay hindi ginamit ng Pilipinas ang isyu sa West Philippine Sea para painitin pa ang tensyon, iligaw ang international community o balewalain ang kapayapaan at katatagan ng rehiyon. | ulat ni Lorenz Tanjoco