Nagbigay ng mahigit 900 na mga relief goods ang pamahalaan ng United Arab Emirates (UAE) sa mga internally displaced persons (IDP) na apektado ng Masara landslide sa Maco, Davao de Oro na nangyari noong Pebrero 6.
Ang ceremonial turnover ay ginanap kahapon sa Brgy. Elizalde gym sa bayan ng Maco, kung saan pinangunahan ito ni United Arab Emirates Ambassador to the Philippines H.E Mohammed Obaid Alqattam Alzaabi kasama si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian.
Mismong tinanggap ni Davao de Oro Governor Dorothy Gonzaga kasama si Maco Mayor Arthur Voltaire Rimando ang inisyal na 950 na mga relief goods para sa mga natitirang IDP na nasa evacuation centers at sa Kampo Uno Temporary Shelter a Brgy. Elizalde.
Batay sa pahayag na inilabas ng Davao de Oro Provincial Government, sa mensahe ni Ambassador Alzaabi, pinapahalagahan nito ang malalim na pagsasamahan ng UAE at Piipinas, at sinabi nitong lagi silang handang tumulong sa bansa sa panahon ng pangangailangan
Samantala, pinuri naman ni DSWD Sec. Gatchalian ang UAE na siyang pinakaunang bansang rumesponde sa nangyaring kalamidad sa Davao de Oro nang mangayari ang landslide na ikinasawi ng mahigit sa 90 ka tao.
Kinilala rin nito ang UAE na siya ring pinakaunang bansang tumulong noong sumabog ang Mayon Volcano , at dahil dito, malaki ang pasasalamat ng kalihim sa kanilang ipinaabot na humanitarian assistance.
Nagpaabot rin ng kanyang pasasalamat si Gov. Gonzaga sa UAE, at kay President Ferdinand R. Marcos Jr. sa pamamagitan ni Sec. Gatchalian para sa binigay nitong financial assitance para sa mga biktima ng kalamidad sa probinsya.
Kasama sa mga dumalo sa ceremonial turnover sina Davao de Oro 2nd District Representative Ruwel Peter Gonzaga, DSWD Undersecretary for Disaster Response Diana Rose Cajipe, DSWD XI Regional Director Atty. Vanessa Goc-ong, Diplomat Khalid Alhajeri, at ibang mga opsiyal ng probinsya.| ulat ni Maymay Benedicto| RP1 Davao