Sumentro sa paglalagak ng puhunan sa renewable energy, mining at digital infrastructure ang naging tema ng pagpupulong kanina nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Macquarie Group CEO Shemara Wikramanayake.
Ang pulong ang kauna-unahang aktibidad at isa sa sideline activities ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa ikatlong araw ng biyahe nito sa Melbourne, Australia.
Sa Facebook post ng Pangulo ay inihayag nitong makakalikha ang nasabing pamumuhunan ng siguradong trabaho para sa mga Pilipino at makakatulong sa pagkakaroon ng ‘cleaner industries’.
Dagdag ng Pangulo, malaking tulong ang nasabing investment opportunity para sa pag-unlad ng Pilipinas lalo na sa aspeto ng digitalization na ipinupursige ng kaniyang administrasyon.
Mahalaga aniya ito lalo na sa pagpapatupad ng ‘ease of doing business’, hindi lamang sa parte ng investors kundi pati na sa mga transaksyon na ginagawa sa local level.
Ang Macquarie Group Limited ay nasa 15 taon nang nag-o-operate sa bansa at may higit 1,000 direct employees. | ulat ni Alvin Baltazar