Mariing kinondena ni Philippine Army Chief Lieutenant General Roy Galido ang pananambang at pagpatay ng pinaniniwalaang miyembro ng Daulah Islamiyah sa apat na sundalo sa Datu Hoffer Ampatuan, Maguindanao del Sur kahapon.
Ang naturang mga sundalo ay pabalik na sa kanilang patrol base matapos mamalengke ng pagkain para sa “iftar” ng mga nag-aayunong kapatid na Muslim nang bigla silang inatake.
Isinasagawa ng tropa ang pa-iftar tuwing Ramadan bilang pakikiisa sa mga sibilyang Muslim na pinoprotektahan ng mga sundalo.
Ipinaabot ni Lt. Gen. Galido ang kanyang pakikiisa sa mga pamilya ng apat na sundalo na nag-alay ng ultimo ng sakripisyo, kasabay ng pagtiyak na makatatanggap ng kaukulang tulong at benepisyo ang mga ito.
Siniguro pa ni Lt. Gen. Galido na hindi titigil ang Philippine Army hanggat hindi napapanagot ang mga responsable sa karumaldumal na krimen.
Ayon kay Lt. Gen. Galido, ang insidente ay lalong nagpalakas sa determinasyon ng Philippine Army na tapusin na ang lahat ng teroristang grupo sa bansa. | ulat ni Leo Sarne