Hinikayat ni Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez ang Department of Foreign Affairs (DFA) na agad maghain ng diplomatic protest laban sa China.
Kasunod pa rin ito ng napaulat na paglalayag ng dalawang research vessel ng China sa Benham Rise o Philippine Rise, nitong weekend.
“The intrusion of Chinese survey ships into the Philippine Rise east of our country, which is inside our exclusive economic zone, is concerning. The government should lodge a protest with Beijing every time they trespass on our territory, whether in Benham Rise or the West Philippine Sea,” sabi ni Rodriguez.
Pagtaya ng mambabataas, nais ng China na unahan ang Pilipinas sa pagsasaliksik sa Philippine Rise dahil sa mayamang marine at mineral resource doon.
May 2017 nang ideklara ng Pilipinas ang Benham Rise bilang “protected food supply exclusive zone,” na sagana sa mineral at natural gas deposit maliban pa sa pagiging fishing ground ng mga mgangingisdang Pilipino.
Sa hiwalay namang pulong balitaan, sinabi ni Bataan Rep. Geraldine Roman, na ipinapakita ng insidente ang pangangailangan para palakasin ang defense capabilities ng bansa at ang pagkakaroon ng installations sa mga isla na inookupa na ng bansa.
Diin niya, dapat itong gawing prayoridad upang ipakita na hindi magpapa-bully ang Pilipinas.
Mahalaga rin ani Zambales Rep. Jefferson Khonghun na maipakita ng Pilipinas ang presensya sa naturang mga lugar, at kaisa aniya ang Kapulungan sa pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi isusuko ng Pilipinas ang kahit katiting nitong teritoryo.
Naniniwala naman si Deputy Speaker Jayjay Suarez, na malaking bagay ang bilateral cooperation ng Pilipinas sa mga bansang binibisita ni Pangulong Marcos para mapalakas ang ating posisyon sa pag-protekta ng ating exclusive economic zone. | ulat ni Kathleen Forbes